FALSE. Mayroong opisyal na tatlong araw na walang pasok mula Pebrero 23-25, 2026 kaugnay ng paggunita sa 40th Anniversary ng EDSA People Power Revolution.
FACT. Mayroong mga nagdeklarang walang pasok sa mga piling paaralan at local government unit (LGU), ngunit sa mismong Pebrero 25 lamang ito at hindi tatlong araw na holiday.
Bagaman may mga nagdeklara nga ng “walang pasok,” ang mga anunsiyong ito ay limitado lamang at hindi saklaw ang tatlong araw na binabanggit sa kumakalat na poster. Sa katunayan, ang mga deklarasyon ng class suspension ay tumutukoy lamang sa mismong Pebrero 25 mula sa mga LGUs at hindi mula sa pambansang pamahalaan.
Hanggang sa kasalukuyan, walang opisyal na ulat o anunsiyo mula sa Malacañang, mga departamento at ahensiya ng gobyerno, o mga pangunahing media outlet na nagpapatunay na idineklara ang Pebrero 23-25, 2026 bilang special non-working holiday.
Kahit totoo na Pebrero 25, 2026 ang ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, hindi ito nangangahulugan na may agarang o awtomatikong suspensiyon ng klase sa buong bansa.
Kabilang sa mga nag-anunsiyo ng walang pasok sa araw na ito ang ilang institusyong pang-edukasyon at LGU gaya ng Ateneo de Manila University, University of the East, Xavier School, at ang lokal na pamahalaan ng Capas, Tarlac.




