Ang Republic Act No. 11479, o Anti-Terrorism Act of 2020, ang pangunahing batas ng Pilipinas laban sa terorismo. Nilagdaan ito noong 2020 ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at pinalitan ang Human Security Act of 2007, na ayon sa mga mambabatas ay kulang na para tugunan ang mas komplikadong banta sa seguridad sa bansa.
Ipinaliliwanag ng gobyerno na ang layunin ng batas ay protektahan ang kaligtasan ng publiko at panatilihin ang pambansang seguridad.
Sa ilalim ng batas, ang terorismo ay inilalarawan bilang mga kilos na may layuning magdulot ng kamatayan o malubhang pinsala, maglagay sa panganib ang buhay ng mga tao, o magdulot ng malawakang pinsala sa ari-arian, mga pampublikong pasilidad, o kritikal na imprastruktura.
Saklaw din nito ang paggawa, pagtataglay, pagdadala, o paggamit ng mga armas, pampasabog, at mga sandatang nuklear, kemikal, o radyolohikal.
Hindi lang aktuwal na pag-atake ang pinarurusahan ng batas. Kasama rin ang mga gawaing tulad ng pagpaplano, pakikipagsabwatan (conspiracy), recruitment, pagsasanay, at pagbibigay ng material support sa mga teroristang grupo.
Dahil dito, maaari ding managot ang isang tao kahit sa labas ng Pilipinas naganap ang mga ito, basta’t may kaugnayan sa terorismo.
Samantala, may kapangyarihan ang Anti-Terrorism Council (ATC) na mag-designate ng isang indibidwal o grupo bilang terorista batay sa kanilang pagsusuri. Kapag na-designate, maaaring isailalim ang isang tao sa surveillance at arestuhin kahit walang judicial warrant kung nasunod ang mga kondisyon ng batas.
Pinapayagan din ang detensiyon ng hanggang 24 na araw bago iharap sa korte kung saan mas mahaba ito kumpara sa karaniwang panahon ng detensiyon sa ilalim ng ibang batas na 48 hours.
Mabibigat ang parusa sa ilalim ng Anti-Terrorism Act. Ang terorismo ay may parusang habambuhay na pagkakakulong nang walang parole. Ang pagbabanta, paghimok, o pag-udyok (inciting) sa terorismo ay may parusang hanggang 12 taong pagkakakulong. Ang ilegal na surveillance ay may parusang hanggang 10 taon.
Kung opisyal ng gobyerno ang lumabag, kasama ang pagtanggal sa puwesto at habambuhay na pagbabawal sa serbisyo publiko.
Subalit batay sa mga human rights group, problematic ang pagsasabatas nito.
Nagpahayag ng pag-aalala ang mga human rights group, mamamahayag, at mga organisasyon ng civil society tungkol sa posibilidad ng pang-aabuso sa batas. Binibigyang-diin ng mga kritiko na ang kapangyarihan ng ATC sa warrantless arrest at mahabang detensiyon ay banta sa due process.
May pangamba rin na ang malabong depinisyon ng ilang probisyon, lalo na ang “inciting” sa terorismo sa pamamagitan ng speech, writings, o symbols, ay maaaring gamitin laban sa mga aktibista, mamamahayag, at sektor na kritikal sa gobyerno. Ayon sa kanila, maaari nitong pigilan ang malayang pananalita at lehitimong dissent.
Sa kabila nito, iginiit ng mga tagasuporta ng batas na may sapat na safeguards at kailangan ito upang maagapan ang terorismo bago pa mangyari ang aktuwal na pag-atake.

