Habang ang mga tambakan ng basura ay patuloy na bumubundok, maaaring may hari na palang nagtatayo ng trono sa tuktok nito. Ang posibilidad na kahit sa garbage collection at waste management katiwaliang nagtatago. Na may malaking pera pa lang nakukuha sila dito at ngayo’y kasing sangsang na nila ng amoy ang mga basura. Sila ang tinaguriang “Basura Kings”.
Sa pagdinig sa Senate Finance Committee noong Setyembre 3, tinawag ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na “basura kings” ang malalaking garbage haulers na, aniya, may malaking papel sa operasyon ng pangongolekta ng basura na ginagamit ang pera sa katiwalian kaysa sa basura.
HARI NG TAMBAKAN
Hindi opisyal na titulo ang “basura kings,” kundi katawagang ginamit ni Remulla para ilarawan ang malalaking garbage haulers. “The big haulers are ‘basura kings,’ your honor, and they are here in Manila, Metro Manila, Manila City, and everywhere.” Ayon kay Remulla, malaking bahagi ng sistema ang kanilang operasyon kaya nais ng Ombudsman na siyasatin ang mga lokal na pamahalaan tungkol ito.
Sa kabila ng mga batas para sa tamang waste segregation, may mga puwang pa rin sa pagpapatupad nito sa bansa. Ayon sa DENR-Environmental Management Bureau at Philippine Statistics Authority (PSA), 11,823 Materials Recovery Facilities (MRFs) ang naitatag pagsapit ng Disyembre 2023. Ngunit 47% lamang noong 2023 ang mga barangay sa buong bansa ang naserbisyuhan ng mga ito; samantala, 299 sanitary landfills ang nagseserbisyo sa 45% ng mga lungsod at munisipalidad sa ilalim ng Republic Act 9003 (Ecological Solid Waste Management Act of 2000).
Ayon kay Remulla na maaaring magkaroon ng manipulasyon sa mga kontrata, kabilang ang pagpapaangat ng presyo, pagbibigay ng pabor sa ilang contractor at iba pang iregular na kasunduan.
MAY PERA SA BASURA—LITERAL?
Bakit nagiging malaking usapin ang basura pagdating sa usapin ng pera? Dahil may bayad ang bawat bahagi ng operasyon, mula sa pangongolekta at pagbiyahe ng basura hanggang sa pagtatapon nito sa mga disposal site, dito sinasabing nilalaan ang pondo. At may mga tao sa likod ng prosesong ito.
Nagiging sentro ng usapin ang posibilidad ng korapsyon dahil na rin sa 2026 proposed national budget na ₱280.5 milyon ang inilaan para sa Solid Waste Management Program ayon sa Department of Budget and Management (DBM). Ito ay sumasaklaw sa waste avoidance, segregation, recycling, composting, collection at maayos na pagtatapon ng basura.
Sa laki ng pondo para dito, malaki pa rin ang problema ng ating bansa pagdating sa usapin ng basura. Kaya masasabing kahit pa sa basura ay may napupulot at napupuslit na pera na maaaring dahil sa katiwalian ng mga tinuring na “basura kings.
HARING ‘DI NAKIKITA
Dahil sa maaaring problemang dala ng “basura kings”, bubuo ang Ombudsman ng isang special investigative team para siyasatin ang mga kontrata sa garbage collection at waste management sa buong bansa.
Ayon kay Remulla, maaaring pagmulan ng kita ng mga tiwaling opisyal o contractor ang mga kuwestiyonableng kasunduan, tulad ng inflated costs, paboritismo at kickbacks. Dahil dito, nais ng Ombudsman na tingnan kung may mga kontratang hindi tumutugma sa aktuwal na serbisyong ibinibigay.
Hindi rin natatapos sa pagkolekta ang problema. Binigyang-diin ni Remulla na kasama sa waste management ang segregation at paggamit ng proper sanitary landfills, ngunit kapag hindi nasusunod ang mga prosesong ito, mas nagiging mahirap matiyak kung saan napupunta ang pondo at kung tama ang serbisyong binabayaran ng mga lokal na pamahalaan.
Kaya kahit pa ang basura, na tinuturing na nating walang halaga ay isang malaking opurtunidad para sa mga “basura kings” na pagkakitaan sa maling paraan. Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, tila ang mga kurakot na “hari” ang kanilang pababagsakin sa trono na sila mismo ang nakikitang tunay na basura ng bayan.
