Walang beripikadong ebidensya na nagpapatunay sa kumakalat na pahayag na may “patong-patong na kaso” ang NBI Senior Agent na si John Mark Calilung, unang prosecution witness sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. Ang alegasyon ay ibinahagi ni dating Executive Secretary Vic Rodriguez sa gitna ng nagpapatuloy na pagdinig ng Senado.
Ayon kay Rodriguez, nahaharap si Calilung sa iba’t ibang paglabag sa Revised Penal Code, kabilang ang arbitrary detention, delaying the release of a detained person, maliciously obtaining search warrants, falsification of documents, perjury, robbery and extortion, at theft.
Gayumpaman, walang opisyal na court records o dokumentong nagpapatunay na naihain ang mga kasong ito laban kay Calilung.
Sa impeachment proceedings, si Calilung ang unang prosecution witness para sa Article I ng Articles of Impeachment, na tumatalakay sa umano’y grave threats at assassination plot laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Iniharap siya bilang digital forensics at cybercrime investigator na nanguna sa pag-authenticate ng kontrobersyal na Zoom press conference ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024.
Samantala, si Rodriguez mismo ang naharap sa isang disbarment complaint sa Korte Suprema noong 2025 kaugnay ng paglabag sa client confidentiality at sa Code of Professional Responsibility and Accountability matapos mailathala ang kaniyang aklat na Kingmaker.
Lumutang ang kanyang mga alegasyon laban kay Calilung kasabay ng nagpapatuloy na impeachment trial.




