FALSE. Inanunsyo ng Malasakit News Update na sila ay magpapamigay ng limang sako ng bigas at family food packs.
FACT. AI-generated ang babaeng nag-anunsyo nito sa bidyo at hindi lehitimo ang kanilang “community support initiative.”
Sa pamamagitan ng pagkokomento ng personal na impormasyon kabilang ang tirahan at pag-follow sa Facebook page ng Malasakit News Update: Balitang Sapat, Serbisyong Totoo, mananalo ng mga premyo ang mapipiling magpapalista. Ang registration link na nakalagay sa naturang post ay isang peke at nanghihikayat lamang sa pagtangkilik ng isang produkto.
Gumamit din ng isang AI-generated na bidyo sa pag-anunsyo ng mga gabay upang maging kwalipikado sa papremyo.
Mapapansin ito sa iregular na galaw ng babaeng nagsasalita at sa hindi kapanipaniwalang linaw ng kanyang bidyo.
Wala ring kumpirmasyon kung isang lehitimong news outlet ang nag-upload ng bidyo, bagamat mayroon silang humigit 73,000 na tagasunod sa Facebook.
Kung isang lehitimong tulong ito, dapat malaman ng publiko kung anong ahensya o organisasyon ang magbibigay ng mga handog na tulong.
Hindi rin sila nagbigay ng impormasyon sa kung paano at kailan ibibigay ang mga naturang bigas at food packs.




