Noong 2022, isinabatas ang Republic Act No. 11930 o ang Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) Act. Ito ay bilang tugon sa pang-aabuso sa mga bata na hindi lamang limitadong nangyayari sa pisikal na mundo, kundi pati na rin sa loob ng digital spaces.
Kinikilala ng batas na ang pang-aabuso ay hindi lamang nangyayari sa harap-harapan at direktang paraan; maaari rin itong maganap sa likod ng camera, sa chat boxes, at sa mga platapormang ginagamit araw-araw. Pinoprotektahan nito ang lahat ng bata na wala pang 18 taong gulang, anuman ang kanilang kasarian, pinagmulan, o kalagayan sa buhay.
Sa ilalim ng RA 11930, mahigpit na ipinagbabawal ang anumang anyo ng online sexual abuse at exploitation ng mga bata. Hindi lang aktwal na pang-aabuso ang saklaw nito, kundi pati ang paggawa, pag-upload, pagbebenta, pagbahagi, at kahit ang sadyang panonood o pag-access sa child sexual abuse materials (CSAM). Lahat ng sangkot sa anumang bahagi ng proseso ay maaaring managot sa batas.
Nakasaad din sa batas na hindi lamang ang direktang gumagawa ng pang-aabuso ang maaaring managot. Saklaw din nito ang mga kasabwat pati ang mga magulang o kamag-anak kung sila ay tumulong o pumayag upang maisakatuparan ang pagsasamantala sa bata.
Tinutukoy ng batas ang apat na pangunahing uri ng karahasang saklaw nito.
- Una, ang paglikha o produksyon ng child sexual abuse materials (CSAM), kung saan ginagamit ang bata sa mga larawang hubad o sekswal na gawain. Kasali rito ang anumang visual o digital content na nagpapakita ng sekswal na pang-aabuso sa bata.
- Ikalawa, ang online grooming, kung saan nililinlang o pinipilit ang bata sa pamamagitan ng pagmanipula, pananakot, o pangako upang mapasunod siya sa kagustuhan ng abusador.
- Ikatlo, ang live-streaming ng pang-aabuso, kung saan ang krimen ay isinasagawa at pinapanood nang real-time, kadalasan ay kapalit ng pera.
- Ikaapat, ang distribusyon o pagbabahagi ng mga nabanggit na materyal, na itinuturing ding seryosong krimen, kahit hindi ikaw ang orihinal na gumawa; ang pagpapakalat nito ay isa ring mabigat na krimen.
Sa ilalim ng RA 11930 o Anti-OSAEC Act, mabigat ang mga parusa para sa anumang uri ng online sexual abuse at exploitation ng mga bata.Nag-iiba-iba ito depende sa bigat ng paglabag. Karaniwan, maaaring umabot sa reclusion temporal hanggang reclusion perpetua at multang mula ₱1M pataas. Sa mas mabibigat na kaso tulad ng syndicated o large-scale abuse, maaaring habambuhay na pagkakakulong at multa na hindi bababa sa ₱5M ang parusa.
Sa panahong halos lahat ay konektado online at patuloy itong sinasakop ng mga menor de edad, lumalaki rin ang panganib na kanilang kinakaharap. Ipinapaalala ng RA 11930 na ang digital space ay hindi hiwalay sa pisikal na mundo, at ang anumang anyo ng pang-aabuso, saanman ito mangyari, ay may tunay at pangmatagalang epekto at kailanman ay hindi katanggap-tanggap.

