Kumakalat ang isang YouTube video na nagsasabing na-dismiss na umano ang impeachment case ni Vice President Sara Duterte at wala na siyang pananagutan sa mga isinampang reklamo laban sa kanya. Ipinapakita rin sa thumbnail na “confirmed” na ang balita.
Ngunit wala pang opisyal na desisyon ang Senate impeachment court na nagsasabing ibinasura na ang kaso laban kay VP Sara. Nagsisimula pa lamang ang impeachment trial kung saan natapos ang pangatlong araw ng pagdinig nitong Hulyo 8, 2026.
Sa kasalukuyan, wala pang hatol kung siya ay mapapawalang-sala o mahahatulan.
Ang claim ay fabricated at misleading dahil wala itong ipinakitang anumang opisyal na dokumento, resolusyon, o pahayag mula sa Senate impeachment court bilang batayan. Kung panonoorin ang kabuuan ng video, ang tanging pinagmumulan ng impormasyon ay isang hindi pinangalanang babaeng narrator na walang ipinakitang ebidensya upang suportahan ang kaniyang mga pahayag.
Ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte ay nakabatay sa apat na articles of impeachment: misuse of confidential funds, unexplained wealth sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), bribery of Department of Education officials, at grave threats laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Martin Romualdez.
Ang Senado lamang, bilang impeachment court, ang may kapangyarihang magpasya kung mapapawalang-sala o mahahatulan ang Bise Presidente sa pamamagitan ng botohan.




