Maliban sa Vatican City, ang Pilipinas na lamang ang bansang hindi pa rin ligalisado ang divorce. Sa kabila ng pagbabago ng kalagayang panlipunan, kabilang ang pagdami kaso ng domestic violence at de facto separations, nanatiling limitado sa annulment at legal separation ang mga legal options ng mga Pilipino.
Dahil dito, muling umusbong mga usapin hinggil sa estado ng Divorce Bill sa bansa.
Ano ang Divorce bill?
Ang Divorce Bill ay isang panukalang batas na naglalayong magbigay ng legal na paraan para sa tuluyang pagtatapos ng kasal sa ilalim ng malinaw na batayan. Kinikilala ng panukala na habang patuloy na pinangangalagaan ng Estado ang kasal at ang pamilya bilang pundasyon at mahalagang yunit ng lipunan, may mga pagsasamang hindi na maaring maisalba.
At sa ganitong mga sitwasyon, binibigyan ng pagkakataon ang mga mag-asawang tuluyan nang sira ang relasyon na wakasan ang kanilang pagsasama sa pamamagitan ng legal process sa korte.
Sa ilalim ng divorce, maaaring magpakasal muli, magkakaroon ng malinaw na hatian ng conjugal properties, at masisiguro ang proteksyon ng mga anak sa usapin ng kustodiya at suportang pinansyal.
Timeline ng Divorce Bills
Hindi na bago ang panukalang legalisasyon ng divorce sa Pilipinas.
Mula pa noong dekada 1980, ilang bersyon ng divorce bills ang inihain sa Kongreso. Noong 11th Congress (1998-2001), ang House Bill (HB) No. 6993 ay naaprubahan sa Kamara ngunit nabigo sa Senado.
Sa 13th Congress (2004-2007), muling naantala ang mga panukala matapos harapin ang banta ng veto mula sa administrasyon noon. Sumunod ang HB No. 2380 sa 17th Congress at HB No. 100 sa 18th Congress, na parehong hindi naipasa sa Kamara.
Samantalang, nitong 2025 lamang, naghain si Rep. Kiko Barzaga ng HB No. 4945 o “Absolute Divorce Act of 2025” sa 20th Congress, ngunit pending pa rin ito.
Isang mahalagang hakbang ang naganap noong 19th Congress nang maaprubahan sa ikatlong pagbasa sa Kamara ang HB No. 9349 noong Mayo 2024, ngunit nananatiling pending sa Senado.
Ang HB No. 9349, na isinulat at ini-sponsoran nina Rep. Edcel Lagman, Rep. Janette Garin, at iba pang mambabatas mula sa mga progresibong grupo, ay muling nagpapakilala ng ‘absolute divorce’ bilang alternatibo sa annulment at legal separation.
May nakapaloob itong mga safeguard gaya ng 60-day cooling-off period, court-mandated counseling, pagbabawal sa collusion, at malinaw na probisyon para sa kapakanan ng bata alinsunod sa Family Code at Presidential Decree No. 603.
Batay sa panukala, maaaring magsampa ng petisyon para sa divorce sa mga kaso ng pisikal na karahasan o pang-aabuso, hindi na maaayos na pagkakaiba, separation de facto nang hindi bababa sa limang taon, psychological incapacity, pagkalulong sa droga, alkoholismo o chronic gambling, abandonment nang higit sa isang taon, pagkakakulong sa krimeng may parusang higit sa anim na taon, at bigamy.
Estado ng Divorce sa Pilipinas
Ilan sa mga dahilan kung bakit hindi pa rin ito aprubado ay dahil mahigit 78% ng mga populasyon ay Katoliko, kung saan pinaniniwalaang ang kasal ay ‘inviolable social institution’ at ‘sacred’ kaya malaki ang papel nito sa Church-state dynamic ng Pilipinas.
Noong 1949, binasura ng Civil Code ang absolute divorce maliban sa mga Muslim, na nag-ugat mula sa kolonyal na panahon ng Spanish colonization.
Para sa ilan, mahalaga ang Divorce Bill dahil nagbibigay ito ng legal na proteksyon sa mga biktima ng mapang-abusong relasyon at kinikilala ang reyalidad ng matagal nang hiwalay na mga mag-asawa.
Itinuturing din itong mas abot-kayang alternatibo sa annulment, na karaniwang nagkakahalaga ng P150,000 hanggang P500,000.
Noong 2024, ipinakita ng mga survey na humigit-kumulang kalahati (50%) ng mga Pilipino ang sumasang-ayon na panahon na upang isaalang-alang ang legalisasyon ng divorce sa bansa, kung saan isa itong indikasyon ng unti-unting pagbabago ng pananaw ng publiko.


